Noong Agosto 2, opisyal nang ipinasa ng Department of Budget and Management (DBM) ang P5.768 trillion panukalang badyet para sa taong 2024. Katumbas ito ng 21.8% ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa at di-hamak na mas mataas kumpara sa pambansang badyet ngayong taon nang 9.5%.
Lumaki man ang inilaang budget para sa susunod na taon, lantad pa rin ang hindi pagprayoridad ng rehimeng Marcos Jr. sa pangangailangan ng mamamayang Pilipino tulad ng sapat na pagkain, maayos at ligtas na hanapbuhay at transportasyon.
Sa kabuuan, nangunguna sa listahan na may pinakamalaking budget ang Edukasyon na nasa P924.7 bilyon. Ngunit kahit na ito ang pinakamalaki, malaking porsyento rin ang nakalaan para sa confidential funds. Sa ilalim ng pamumuno ni Sara Duterte bilang sekretarya sa edukasyon, hindi pa rin naibsan ang dagok na dinadanas ng mga guro. Bagkus ay lalo pa itong nagiging pabigat pati na rin sa mga estudyante.
Nahuhuli naman sa listahan ang mga sektor pangkabuhayan, hudikatura, at agrikultura. Kapansin-pansin din ang maliit na bahaging nakalaan para sa transportasyon at social welfare.
Sa kinahaharap na krisis ng bansa, malinaw na hindi ito ang nararapat na tugon ng gobyerno sa lumalalang problema sa pagkain at agrikultura. Taliwas ito sa pahayag ni Marcos Jr. na pauunlarin niya ang sektor ng agrikultura at paaangatin ang buhay ng mga magsasaka. Kung ikukumpara sa inilaan na badyet para sa imprakstraktura, napakalaki ng agwat sa pondo para sa produksyon ng bigas. Lumalabas na sa bawat piso para sa produksyon ng bigas, may P40 na nakalaan para sa mga kalsada, tulay, airports, at iba pa.
Bukod pa riyan, nakatanggap man ang sektor pangkasulugan ng ika-tatlong pwesto sa may pinakamalaking badyet, bumaba ito P10 bilyon kumpara sa ngayong taon. Mas inuuna nito ang importansya sa pagbabayad-utang, pondo sa depensa, at militarisasyon habang naghihirap at nagugutom ang samabayang Pilipino. Base lamang sa mga datos na iyan, malinaw na walang pagpapahalaga sa naghihirap na Pilipino ang administrasyong ito.
Alamin pa natin ang mga payahag at saloobin ng ilang indibiwal ukol dito.
Erica, 21, estudyante
“Nakapanlulumo isipin na kahit may mga agam-agam sa confidential funds sa ilalim ng pamumuno ni bise presidente Sara Duterte, sila pa rin ang may pinakamataas na badyet para sa susunod na taon. Magandang adhikain ang tutukan ang edukasyon, pero kung karamihan pa rin ng mga guro ay nakikipaglaban sa kakulangan sa sahod at ang mga estudyante ay naghihikahos pa rin upang matawid ang isang taong panuruan sa eskwelahan, maganda ring tignan muna kung sa tama ba nailalagay at nailalaan ang ganyan kakapal na badyet.”
Paola, 21, estudyante
“ ‘Yung proposed 2024 National budget is very questionable since ‘yung sa DEPED confidential funds is parang lihim na pangungurakot. Okay lang naman po if mataas ang budget for Deped and such ang kaso nga lang need talaga ng transparency kasi hindi namn mapapakain ng confidential funds ang mga Pinoy. Marami pa rin problema sa pasahod sa mga teachers maging sa kulang na mga silid pero hindi pa rin matugunan kahit gaano kalaki na ang budget kasi nga binubulsa lang naman nila. I think need na umalis ni Sara Duterte as Deped secretary kasi first of all hindi sya competent enough for that position (even for her position as VP). Tsaka bakit need ng confidential fund, for what reason? If may gusto sila i-push na project hindi nila need ng confidential fund, kailangan alam ng mga Filipino kung saan gagamitin mga buwis nila kasi pera nila ‘yun.”
Rams, 24, manggagawang pangkultura
“Sa panahon ng krisis at kagutuman, lalo lamang pinapakita at pinaparamdam ni Marcos Jr. na wala siyang anumang plano o pakialam para paunlarin ang lokal na agrikultura ng bansa. Kahit na tumaas nang bahagya ang badyet para sa DA at DAR (181.4B), kakarampot lang dito ang nakalaan para siguraduhing may sapat na pagkain ang bansa. Pang-walo lamang ang ang sektor ng agrikultura sa prayoridad ni BBM at ilan sa mga nangunguna ang DPWH (822.2B) at DND (232.2B). Makikita sa tala na ito na hindi nababahala ang presidente sa kasalukuyang dilema ng bansa na kita sa patuloy na pagtaas ng mga pangunahing bilihin partikular ang bigas, na hanggang ngayon ay nananatiling pangarap pa lamang ang 20/kilo.”
Jap, 23, manunulat
“Bawat taon na lang bang mas madami ang kwestiyon kaysa tugon at solusyon? Harapang panloloko na yung nangyayari. Sa naglalakihang confidential funds pa lang, para tayong piniringan para pagsamantalahan — hindi naman nakikinabang ang kabataan at walang pagbabago sa lahat, yumayaman ang mayayaman at naghihirap ang mga mahihirap. Baka nga ganito talaga ang inaasam nila, ganito ang bagong Pilipinas?”
Umaaray na nga ang karaniwang Pilipino bunsod ng pagbawi ng pamahalaan sa mga regulasyong pumoprotekta sa lokal na industriya at pambansang ekonomiya, harap-harapan pa nitong idinedeklara ang kawalan nito ng interes sa pagbibigay serbisyo. Sa halip na magamit ang kaban ng bayan sa pagtataguyod ng pambansang kaunlaran ay nauubos ito sa pamamasista, paniniktik, at pandarambong.
Kaya naman kaisa ang ARPAK sa pagbatikos sa lumulobong black budget at kaliwa’t kanan na confidential funds ng administrasyong Marcos-Duterte. Hindi pwedeng iilan lang ang nakikinabang sa buwis ng mga Pilipino at patuloy na pangungutang ni Marcos Jr. sa mga dayuhan. Tanggalan ng pondo ang NTF-ELCAC at paliitin ang badyet para sa tanggulang pambansa. Hindi mabubuhay ng mga bala ang bayan.