ARPAK Asks: Bakit nananatiling gutom ang nagpapakain sa sambayanang Pilipino?
Ang kagutuman ay hindi na bagong suliranin sa ating lipunan. Pangunahing sanhi nito ay ang kapabayaan at matagal nang pagwawalang bahala sa agrikultura at lokal na produksyon ng bansa. Dahil dito’y lumalala ang kaso ng kagutuman, lalo sa hanay ng mahihirap.
Kaya naman tuwing ika-16 ng Oktubre ay hindi World Food Day kundi World Hunger Day ang ating ginugunita kasama ng malawak na mamamayan at magsasakang Pilipino. Sa gitna ng pagsirit ng implasyon at kawalan ng makabuluhang dagdag-sahod, binabatikos natin ang pagsuko ng rehimeng Marcos Jr. sa dayuhang dominasyon sa merkado at ang pagbitaw nito sa papel ng gobyerno sa pagkontrol ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Kumpara sa mga karatig nating bansa, napag-iiwanan na ang Pilipinas pagdating sa produksyon ng bigas. Bukod sa mala-aliping sahod sa mga magbubukid at matinding pagkalugi ng mga magsasaka, panay bogus ang mga programa sa pamamahagi ng lupa para sa mga nagbubungkal nito.
Ayon sa sarbey na inilabas ng Social Weather Stations noong Mayo ngayong taon, isa sa bawat sampung Pilipino ang nakararanas ng gutom. Bukod pa riyan, 74% din ng mamamayan sa bansa ay walang kakayahang makabili ng masustansyang pagkain ayon sa datos ng United Nations noong 2021.
Ngayong Setyembre lamang ay nasa 6.1% na ang tantos ng implasyon sa Pilipinas, mula sa 5.3% noong Agosto ayon sa Philippine Statistics Authority. Ang insidente ng kagutuman naman sa Metro Manila ay nasa 15.7%. Sinundan ito ng mga lugar sa labas ng National Capital Region na may 11.3%, 9.3% sa Visayas, at 6.3% naman sa Mindanao.
Buladas ni Marcos Jr. na balak niyang pawiin ang kagutuman pagsapit ng 2028 sa pamamagitan ng “Walang Gutom” program. Pero hanggang naghihirap ang ating magsasaka, lalong magugutom ang sambayanan. Bukod sa pagtaas ng presyo ng binhi, abono, at pestisidyo ay binabaha rin ng imported na bigas at iba pang pagkain ang ating merkado. Hindi binibigyang prayoridad ni Marcos Jr. ang ating mga magsasaka at ang kanilang produkto.
Alamin pa natin ang pahayag ng ilang indibidwal tungkol sa isyung ito.
Xam, 23, manunulat
Prominenteng problema talaga ‘yung pagtangkilik ng gobyerno sa product ng ibang bansa kaysa dito sa Pilipinas. Imbes na bumili tayo ng sariling atin, ibang bansa pa ‘yung yumayaman at nakikinabang.
Paul, 21, mang-aawit
Dahil sa kasalukuyang krisis sa agrikultura, dapat unahin ang paglakas at pagsuporta para sa mga lokal na produksyon. Pero dahil sa kawalan ng silbi ng gobyerno sa mga magsasaka — isabay pa ang mga pagtaas ng presyo ng mga bilihin, budget cuts, at pagkamkam sa kanilang mga lupain — magpapatuloy ang paghihirap ng sambayanan.
Angelika, 22, manggagawa sa BPO
Sa tingin ko, hindi nagiging sapat ang ginagawa ng gobyerno para masigurado ang kinabukasan ng bansa pagdating sa produksyon ng bigas at iba pang pagkain. Kulang sa suporta ang ating mga magsasaka dahil mas tinatangkilik pa ng gobyerno ang mga imported na produkto kaysa sa mga produktong galing mismo sa pinaghirapan ng mga Pilipinong magsasaka. Hindi lamang kahirapan ang nagiging problema ng ating mga magsasaka, kundi ang inequality pagdating sa income. Nakasusuklam na ang mga kamay na nagsisikap upang may mailagay tayong kanin sa hapag ang siya pa mismong halos hindi makakain dahil sa hikahos sa buhay. Umaasa akong sa mga susunod na taon, mas magkaroon pa ng aksyon ang gobyerno sa mga ganitong issue lalo na’t ang presidente pa ang secretary ng Department of Agriculture. Magkaroon sana ng suporta ang gobyerno pagdating sa capital, innovative facilities, at protektahan ang mga magsasaka mula sa mga taong walang ibang ginawa kundi kamkamin ang lupang patuloy nilang ipinaglalaban. Tingin ko, ang pangangalaga at pagpapahalaga sa kapakanan ng ating mga magsasaka at ng mga lupang kanilang sinasaka, ay ang magiging solusyon sa lumulobong krisis sa pagkain, at magpapasimula ng pagbaba ng presyo ng mga produktong pagkain — isang pangakong hanggang ngayon ay tila isang bulong sa hangin!
Wilson, 19, estudyante
We have to realize na pagdating sa usaping pagkain, we are talking about a human right. Ang access sa pagkain na sustainable, abot-kaya, at masustansya ay kailangan ng isang tao para magkaroon ng maayos at magandang buhay. At ngayon na may lumolobong food crisis sa ating lipunan, that just means na dapat umaksyon ang gobyerno at kumampi sa mga magsasaka. Imbes na isangkalan agad ng gobyerno sa pag-import ang pagkain ang pagtugon sa kakulangan ng food supply natin, ‘di ba syempre dapat makipag-coordinate ang gobyerno sa ating mga mahal na magsasaka para makahanap ng solusyon sa kakulangan sa pagkain? Dapat mas paigtingin pa natin ang [laban para sa] land reform na matagal nang hinihiling ng mga magsasaka. Iwasan ang over-reliance sa importation, at suportahan naman ang lokal na food production. Kung tunay nga na pagkakaisa ang solusyon sa problema natin, dapat ‘di naiiwan ang siyang gumagawa ng ating makakain. Walang magugutom sa gobyernong may pake sa magsasaka.
Nagkakaisa tayo sa pagnanais na maibasura ang Rice Liberalization Law at iba pang mga neoliberal na polisiya sa agrikultura pati na rin ang huwad na Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Sama-sama nating igiit sa rehimen ang People’s Action Agenda for Food Security and Self Sufficiency na may sumusunod na mungkahing solusyon sa krisis sa pagkain:
1. Pagpapatigil sa liberalisasyon at dayuhang dominasyon sa pagkain
2. Pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa
3. Pagkamit ng makatarungang presyo at sahod
4. Pagpapalakas sa agrikulturang Pilipino at pagpapaunlad sa rural at pambansang mga industriya
5. Pagpondo sa pagkaing Pilipino
6. Pagtiyak sa sapat at agarang suporta sa panahon ng kalamidad
7. Pagsulong sa pananaliksik at pag-papaunlad na pinangungunahan ng mga magsasaka
8. Pagsulong sa mga demokratikong karapatan ng masang Pilipino