Walang lugar ang mandarambong ng pangisdaan sa poder ng agrikultura: Saklaw ng pananalakay ni DA Sec. Francis Tiu-Laurel
Sa isang bansang pitong beses na mas malaki ang katubigan nito kaysa kalupaan, bantay-sarado ng mga mandarambong na mandirigit ang mga pook-pangisdaan at iniipit ang mga maliit na namamalakaya sa hawlang 10 kilometro lamang ang haba. Binansagang ika-11 sa produksyon ng pangisdaan sa buong mundo ang Pilipinas ngunit kakarampot sa kalidad at abot-kayang yamang dagat ang umaabot sa lokal na merkado. Sa pagkaluklok ng pinakamalaking mananalakay ng katubigan sa poder ng Department of Agriculture (DA), binigyan si Francisco Tiu-Laurel Jr. ng kapangyarihang palakihin ang sakop ng kanyang pananamantala at pigain ang pesanteng nagpapakain sa sambayanan.
Pagkatapos ang mahigit isang taong pasakit, bumaba sa pwesto si Pres. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang sekretarya ng Department of Agriculture (DA) nitong Nobyembre 3, 2023. Hindi bilang pagkilala sa sigaw ng mga pesante kundi para gawing pabuya ang posisyon sa kanyang top campaign donor, ang fishing magnate na si Francisco Tiu Laurel Jr. Hindi bababa sa halagang P30 milyong na donasyon sa Partido Federal ng Pilipinas, ang ginastos nila Tiu-Laurel upang masungkit ang pabor na mapapakinabangan ng kanyang negosyong patuloy na nage-expand sa ibang mga rehiyon.
Bilang presidente ng Frabelle Fishing Corporation na may lampas 117 na malalaking shipping vessels at pangatlo sa mga kumpanyang kumokontrol at nagsu-supply ng tuna sa buong mundo, katakot-takot ang pwersang pangisda ni Tiu-Laurel. Mula sa pagkatatag ng Frabelle bilang trawl fishing company noong 1966, nakapagtayo na ito ng monopolyo sa mga pangisdaan hindi lang sa Pilipinas kundi pati sa mga rehiyon ng Kanluran at Gitnang Pasipiko.
Labas sa deep-sea fishing ng tuna at sardinas, bahagi rin ang Frabelle sa mga industriya ng power generation, real estate at wharf development, shipyard operations, meat at seafood processing, canning at cold-chain network, food importation at trading, pati aquaculture. Umupo si Tiu-Laurel bilang pangulo ng mga korporasyong nakapailalim dito tulad ng Bacoor Seafront Corporation, Agusan Power Corporation, at Bukidnon Hydro Energy Corporation.
Sa pag-expand ng operasyon ng Frabelle sa Indonesia, Papua New Guinea, Solomon Islands, Atlantic, at iba pang rehiyon ay nakapagpatayo na rin ito ng mga opisina sa South Africa, Vietnam, Singapore, China, Papua New Guinea, Indonesia, at iba pa. Kaya’t hindi kataka-takang inaabot ng mga produkto ng Frabelle ang mga merkado ng halos lahat ng kontinente ng mundo at mayroon itong malalaking dayuhang shares at investors mula sa mga imperyalistang bansa tulad ng Japan at U.S.
Si Tiu-Laurel rin ay namuno sa iba’t ibang business formations tulad ng World Tuna Purse Seine Organization, Interland Deep Sea Fishing Sector, Confederation of the Philippine Tuna Industry, at Processing Sector of Bangus Council of the Philippines. Naging miyembro rin sya ng Private Sector Advisory Council ni Marcos Jr. Simula’t sapul interes ng mga dambuhalang korporasyon ang binitbit niya sa kabila ng matinding pagpapahirap na dala nito sa mga maliliit na mangingisda.
Wala siyang napapaniwala sa sinabi niyang “divestment” sa negosyo ng kanyang pamilya sa pagkakaupo bilang DA secretary. Sa unang linggo niya sa pwesto, itinalaga niya si Frabelle Legal Division Chief Atty. John Balagbag bilang DA Chief of Staff at Head Executive Assistant. Ipinatupad niya ang tatlong malaking proyektong kasama ang World Bank: $600 milyong Philippine Rural Development Project Scale-Up, $200 milyong Philippine Fisheries and Coastal Resiliency Project, at $120 milyong Mindanao Inclusive Agriculture Development Project. Nakipagusap rin siya sa World Bank Country Director Dr. Ndiame Diop ukol sa iba pang WB-DA na proyektong nagkakahalagang $920 milyon.
Malapit daw sa puso niya ang mga magsasaka at mangingisda ngunit kabilang ang Frabelle Fishing Corporation sa may pakana ng 420 na hektaryang reklamasyon sa katubigan ng Cavite sa ilaim ng Bacoor Reclamation and Development Project. Sapilitang pinalalayas nito ang mga komunidad ng mangingisda at urban poor sa 10 coastal na barangay na humarap sa mga serye ng panununog sa kanilang mga tahanan.
Paanong tutugunan ni Tiu-Laurel ang kahirapan sa sektor ng mga mangingisda kung 70–85% ng kita sa panghuhuli ng isda ay napupunta sa may-ari ng palaisdaan o komersyal na palakaya tulad niya habang 5–10% lamang ang napupunta at pinaghahatian ng mga mangingisda? Paanong sasandig si Tiu-Laurel sa mga mangingisdang 62% ay de-sagwan, de-layag ang mga baroto’t lunday kung ang kaagaw nila sa huli ay ang armada ng Frabelle? Paanong magsisilbi sa mahihirap ang mga patakaran niyang ipatutupad sa DA kung ang deka-dekadang pribatisasyon sa agrikultura at pangisdaan ang nagpalamon sa mga negosyanteng tulad niya?
Ayon sa Philippine Statistics Authority, ang mga mangingisda at magsasaka ang nanatiling pinakamahirap na sektor sa bansa. Sa huling datos noong 2021, nangunguna ang mga mangingisda sa may pinakamalaking insidente ng kahirapan sa 30.6%. Sinundan naman ito ng mga magsasaka na may 30%. Ang bilang na ito ay pinalalala ng neoliberal na polisiyang nakabalangkas sa imperyalistang mga programa ng World Trade Organization at binanggit na ni Tiu-Laurel na balak niyang ipagpatuloy.
Kaya naman ngayong Pandaigdigang Araw ng Pangisdaan, sama-sama nating iginigiit ang pagpapabasura sa mga kontra-mangingisdang programa at ipinapaglaban ang tunay na reporma sa lupa at pangisdaan.
Ibasura ang Fisheries Code of 1998 at mga amendment nitong nag-institusyunalisa sa monopolyong paghahari ng mga asendero, komprador at dayuhang kapitalista sa pangisdaan. Ang mga itinalaga nitong limitadong munisipal na pangisdaan at depenisyon sa pangingisdang “illegal, unreported at unregulated” ay ginamit lang upang limitahan ang maliliit na mangingisda habang inuubos ng mga komersyal na palakaya ang yaman sa ating katubigan. Inuudyok rin nito ang di makatarungang panghuhuthot mula sa sapilitang registration, pambabarat at dikta sa huli sa ilalim ng sistema sa konsignasyon, mga multang di bababa sa P5,000, at kumpiskayon ng huli’t gamit ng mga mangingisda.
Ibasura ang Agriculture and Fisheries Modernization Act na polisiyang naka-angkla sa importasyon at dayuhang kontrol sa sapilitang pagudyok nito sa mga pesante na umasa sa mga dayuhang produkto at makinarya.
Biguin ang pagpapalit-gamit sa mga pook-pangisdaan. Ipagbawal ang reklamasyon, kumbersyon, at pribatisasyon ng ating mga baybayin — sa prente man ito ng ekoturismo, walang batayang deklarasyon ng mga sanktwaryo, o tahasang mapanira sa kalikasan na pagmimina.
Ipagtanggol ang pangisdaan ng bansa mula sa pangangamkam ng Tsina at iba pang dayuhang interes. Palayain ang bayan mula sa dikta ng mga imperyalista at dayuhang monopolyo. Itaguyod ang pangunahing karapatan ng mga mangingisda sa mga munisipal na pook-pangisdaan.
Isulong ang Genuine Fisheries and Aquatic Reform Bill na may nakapaloob na mga programa sa Pilipinisasyon ng pangisdaan. Ibalik kontrol sa mga lokal na mangingisda at ipasailalim sa mga kooperatiba nila ang pamamahala sa malawak na pangisdaan at komersyal na palakaya. Pawiin ang pagkatali sa mga usura at sistemang partehan na pabor sa komersyal. Itaas ang sahod ng sektor.
Nagbago man ang mukha ng kalihim ng DA, hindi natin maasahan na magsilbi ang isang malaking burgesyang kumprador tulad ni Tiu-Laurel na magsilbi sa masang api. Tuloy ang paghahari-harian ng mga dayuhang kapitalista, lokal na kumprador, at mga tuta nila sa rehimen ni Marcos Jr. Taliwas sa pagtanaw sa pagkain bilang negosyo sa pagsulong ng balanse, sustenable at maka-kalikasang agrikultura at pangingisda.
Kaya walang honeymoon period sa buwayang Francisco Tiu-Laurel Jr. na kay talim ng pangil at kay lawak ng galamay. Hindi trono at di negosyo ang pagiging kalihim ng DA. Karapatan sa lupa at pangisdaan, ipaglaban! Ang mga munting sibat at karit ng nagkakaisang hanay ng magsasaka’t mangingisda ang magpapaluhod at magtataboy sa mga kaaway sa uri tulad ni Tiu-Laurel Jr.
Sources
Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas. (2023). Kalagayan ng mga Mangingisdang Pilipino.
Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas. (Oktubre 2023). Pinawing Paraiso, Kaunlaran Para Kanino?
The CEO Magazine. (Setyembre 2016). What a Catch
Rappler. (Nobyembre 2023). Who is Francisco Tiu Laurel Jr., the new DA Chief?